Wednesday, November 2, 2011

HAY NAKU BANSA! (Ikalawang Bahagi)


Nangyari ngang nagpalitan ng iba’t-ibang palagay ang tropa sa kasagsagan ng inuman na nakatuwaan nang pangalanang golf (katunog ng gulp – ingay ng lalamunan sa pagtungga ng tagay).

Kung may Pangkat ng Sunog-Baga sa Da Riles, may Brigadang Alsa Baso din naman sa aming Da Purok en Kawntri Club kung saan garantisadong sarap maggolf – aheste gulp.

Di kalaonan, umarangkada na ang baso, rumonda ang brigada sa sigid ng tuba. Bumida ang pulutang kinilaw na dilis, na nilamas sa suka, pinatalonan ng gata ng niyog, pinaloan ng luya, pinigaan ng kalamansi, at tinirisan ng siling labuyo. At umapaw ang galak sa paglimot sa mga hinaing sa buhay.

It’s showtime! Unang bumitiw si Brod Ben ng malalim na buntong hininga: “Sana di na problema ang kasalatan. Bakit ba tayo naghihirap?”

“Kasi inuman na lang lagi ng inuman,” pukol ni Mareng Doray nagmamasid sa likuran ng mister niyang si Estok, sa may di kalayuan. Si Estok ang nagsilbing host sa pagkakataong ito.

“Kaya nga, inuman na lang ng inuman, kaysa magmukmok sa pangungunsumi sa buhay na laging kabuntot ang kawalan,” mabilis na salo ni Estok.

“Hummm, nakakabili nga ng matutungga,” ismid ni mare.

“E di kung walang korap, wala sanang mahirap,” pabirong sabat ni Tente na ginagaya si PNoy.

“Alisin ang kahirapan kamo, mawawala ang mga korap,” pihit ni Mang Andy.

“Papano?” habol na tanong ko.

“Di ba’t ang dahilan kung bakit nasa gobyerno yang mga korap na yan ay dahil sa mga mahihirap na rin na pinagbibili ang kanilang boto sa eleksyon dahil sa kahirapan?” kabig ni Mang Andy.

“May punto ka chong,” susog ni Basilyo na kadalasa’y siyang gunner ng brigada kagaya ngayon. “Kung ‘di tayo nagpapabili, di sana yung mga matutuwid ang nandiyan sa gobyerno.”

“At dahil superlaki ang naipuhunan sa bay-en-sel ng mga tiwaling pulitiko, ha ha, alang kakorapkorap naman ang pangungulimbat para makabawi at gumanansya ng todo-todo,” dugtong pa ni Mang Andy.

“Teka, parang mahirap resolbahin ang sinasabi nyo,” harang ko. “Parang itlog at inahin na naman yan, alin ang nauna, korapsyon o kahirapan.”

“Pagkalulong sa toma o kahirapan, kahirapan o katiwalian, itlog o inahin, alin ang nauna?” hamon ni Estok sabay tukoy kay brod Ben. “Pero tol huwag mong patagalin ang baso, baka maging sisiw na yan.”

“Ang sistemang paging alipin tingin ko ang nangingitlog ng kahirapan,” tugon ni brod Ben na may dagdag  “dahil di natin mapagpasyahan ang tama at makabubuti para sa atin.”

Tumingala si Estok na kunwang nag-iisip. “Malalim ang tinuring mo Baba… (pinutol ng tawanan ang paggaya sa teleseryeng Amaya), pero sa tingin ko mas matining pa sa bahalina ang ibig mong sabihin, bilib ako dyan.”

“Pero di ba laya na tayo noon pa, di pa nga yata ako ipinapanganak noon, sa sinasabing independens day bigay ni kano?” riwa ni Tente.

“Pinamimigay ba ang kalayaan? Para na ring sinabi mong di ka talagang malaya, dahil ito ma’y nasa pagpapasya pa rin ng iba, kung mapapasaiyo o hindi,” tutya ni Mang Andy.

“Ang tunay na kalayaan ay wala sa kamay ng iba, kungdi nasa sa iyo lamang, pinanghahawakan, pinaninindigan at ipinaglalaban,” giit ni brod Ben.

“Yes, yes, yo! Sang-ayon,” sabat ko kasama ang palaisipang tanong. “Paano tayo masasabing malaya kung wala tayong ibang alam kungdi ang sinasabi’t idinedikta ng nang-aalipin?”

“Tumpak, kasama ang sumunod tayo na lokohin mismo ang ating sarili,” dugtong ni Mang Andy.

“Pakiisplika, plis!” hiling ni Estok.

Si brod Ben ang sumalo: “Kagaya ng itinuturong demokrasya ng mga nanakop sa bansa noong ipapanalo na sana natin ang pagsasarili laban sa mga Kastila, walang iba kungdi ang mga Amerikano.”

“Bakit, ano sa tingin mo?” usisa ko.

“Di, ito raw ay paghahari ng mayorya,” sagot ni brod Ben. “Pero kaliwaliwanag naman na sa matagal na panahon sila lang iilan ang nasusunod, at tayong nakararami mula pa ng dayuhang pananakop hanggang ngayon ang naging utosan at sunodsunoran lamang ng mga nagdodomina na kakaunti.”

“Demokrasya sa salita, paghahari at pang-aalipin ng iilan sa gawa, ekwals korapsyon at kahirapan,” singgit ni Mang Andy na parang nakatuklas ng isang pormula.

“Yon! Nakana pare,” bati ni Basyo.

“Ano nga bang puede pagpasyahan ng isang alipin?” Kahit nga yong kung kanino siya magpapaalipin ay wala sa kaniya para magpasya,” paliwanag ni brod Ben.

“Pero sabi naman ni pangulong Noy ‘Kayo ang boss ko!’” bawi ni Tente.

“Puede akong maniwala, pero.… O sige naniniwala na ako, pero nandiyan lang ba siya sa tabi-tabi para mapagutosan? Kaya ba natin talaga siyang utosan?” harang ko.

“Maririnig ba niya kamo ang utos ko, kung sakali, at magagawa ba niya?” sabat ni Estok.

“Ano nga ba utos mo?” pangungulit ko.

“Mag-asawa na siya!”

Hay naku, bansa! Masasalimuot ang mga usapin, at kanya-kanyang magkakasalungat na palagay.
Tulad ng ibang karaniwang mamamayan, natuto na rin akong lumagay na lang sa sariling sapatos at manahimik, at mag-antay ng mga kasagutan sa paglipas ng panahon, pag-ikot ng tagay ng tuba, paghabi ng gagamba ng kanyang sapot na sumisila sa maliliit, pero nilulusotan ng malalaki.

Kagaya ng madalas sabihin, hanggang sa susunod na kabanata…. (Itutuloy)

No comments:

Post a Comment

Uncertainty Hounds As Eastern Visayas Breaks Away From The Past

  BIMBO CABIDOG The people of Eastern Visayas inhabit a land rich in natural resources. The region has a vast land area. Samar alone is the ...