(Kuwento ng isang mahabang buntong hininga sa harap ng mga salasalabat at masasalimuot na usapin.)
Bago ang lahat ako si Sebyo, karaniwang tao, madaling makita, mabilis mawala. Hindi mo ko maiaadd as friend. Huwag mo nang pagkaabalahang itanong pa kung nasa Facebook. Wala! Face-to-face lang akong nakakasalamuha sa pang-araw araw na buhay. Kaya lang, ng mangilan-ngilan.
Pero alam ko ang sinasabi noon - Facebook na parang fishball (‘di ko ganun kamangmang ha). Sabagay, isyu ba yon?
Singkuwenta sais anyos na ako. Kung sa pulis, panahon na magretiro. Pero ayaw ko pa ho, lalo naman sa sinasabing “retire from the human race.”
Di ko nakakalimutan ang pangangailangang magsexercise tuwing umaga, upang ang katawan ay sumigla. Idadagdag ko lang, walang Viagra.
Di ko nakakalimutan ang pangangailangang magsexercise tuwing umaga, upang ang katawan ay sumigla. Idadagdag ko lang, walang Viagra.
Gusto kong maging vegetarian, hindi vegetable. Pero alam mo naman, hindi lang masarap ang karne, nakakaadik lalo na kung malambot. (Kung mayroon ka pang ibang gustong sabihin doon, isip mo na yon.)
Huwag magtaka kung makikita mo ‘ko saan-saan. Ako’y pagala-gala, hindi lang dahil sa walang masandigang hanapbuhay, kungdi dahil sa walang tiyak na matirhan. Kumbaga, NPA – No Permanent Address. Sabi pa nga ng kanta: “I never stop my wandering.”
Papano kasi, laging pinapalayas dahil di makabayad ng upa.
Nakakahiya man sabihin, babanggitin ko na rin: tapos lang ako sa Bachelor of Common Sense sa PKP – Pamantasan ng Karanasang Panlansangan. Ito’y isang mahabang kurso ng pagmamarunong sa pamamagitan ng sariling sikap, na namimilit bigkasin sa mga dayong kataga – magkabuhol-buhol man ang dila, ang ilang kaunting nalalaman.
Dahil sa pagiging mental koloni daw, minsa’y gusto kong magpasikat ng mataas na kaisipan na di naman matarok, ni simpleng maintindihan, dahil kadalasa’y banyaga. May mga panahong ako’y nahihilig magsalsal ng mga ideyang ‘di nakatungtong sa lupa. Yon ngalang pangintelektuwal ang dating, masarap ipanghambog, nagmamagaling, nagpapahanga sa mililiit nating kababayan.
Sa idad kong ito at mga pinagdaanang sarkastik na pagkakataon, madali at mabilis mambato ng puna. Tulad ng iba diyan, ako’y madalas mapunta sa pagiging kritiko ng maraming bagay, sa pagiging ganado sa pagpansin ng mga kapintasan ng kapuwa o gobyerno, pakialamero sa buhay ng may buhay.
Pero huwag mong basta na lang pupunain at pakikialaman ng ganun-ganun lang at mahabang bakbakan yan ng kung sino ang tama o mali. Sa takbo minsan ng gurang na pag-iisip, para bang ako ang lubos na nakakaalam, at parating tama. Napapansin ko naman yon, at napapangiti nalang.
Bihis ko’y di naiiiba at di kapansin-pansin kahit na pawang bihis na bihis panglakad. Sa gitna ng marami ay walang mukha at walang pangalan, walang pagkapangilanlan liban na lang seguro kung malalagyan ng serial number sa noo. Minsa’y mabuti pa ang numero kaysa sa mukha, natutukoy.
Marahil ay nakakasabay mo ako paminsan-minsan, sa agos ng sangkatauhan sa iisang direksyon ng paghahanap ng bagay na di matagputagpuan. Ito na seguro ang pagka-isang bansa, sa paghahanap ng mapapasokang tabaho, sa pagpapasok sa trabaho araw-araw na sinisikatan ng haring araw.
Kung may namamatyagan ka sa dyipni na nakalibing sa katahimikan, seguro’y ako na rin yon. Kung minsa’y may naaalala kang nakatagpo na di matandaan ang mukha, baka ako yon, sa katauhang parang ikaw, nagmamasid lang ng buhay sa loob ng isang pampublikong lugar.
Sa ating indibidwal na pagkakahiwahiwalay, may sarili kang mundo, mayroon din ako. At habang nakatuon sa kanikaniyang pribadong pagiisip, walang salitaan, di nagsasalita, walang kinakausap, di nakikipag-usap. Kahit ang minsang pagkakasagi ng balat ng bawat isa ay parang di nangyayari.
May mga bagay-bagay na di maikonekta kahit magkakaugnay, dahil pinipiling maging hiwa-hiwalay kahit iisa, kahit lahat nakatira sa iisa lang planeta, sa ilalalim ng isa lang papawirin, sa ibabaw ng isa lang uri ng kalupaan kung saan walang mga pambansang pagitan ang hanging hinihinga.
Mas pang tinitingnan ang pagkakaiba ng kulay ng balat, hugis ng ilong, talukap ng mata, anyo ng buhok, tindig ng katawan, at laman ng bulsa, kaysa mga hibla ng pagkakapareho bilang isang sangkatauhan sa wangis at kagustuhan ng isa at isa lamang Tagapaglikha.
Iisa lang ang langit na pumapayong sa lahat, ngunit ang tinitingnan pa ay ang pagkakaiba-iba ng bubong na sinisilongan, kinatatayuan sa buhay, at salu-salongat ng mga pangarap. Dito umusbong ang yabang at pagmamalaki sa kapangyarihan na nauuwi sa pagkakait ng katarungan.
Teka, lumalalim na yata’ng usapan, sumayad na muna tayo sa konkretong kalagayan. Di ko lubos maisip na sa likod ng umaapaw na likas na yaman ng ating bansa, sobrang dami nang mga kababayan natin ang salat sa buhay. Bakit tayo naghihirap? At bakit tayo lubhang naghihirap pa rin hanggang ngayon?
Hay naku bansa! Kailangan pa bang pahirapan sa kaiisip ang sarili samantalang nandiyan naman ang mga biyayang pinagkaloob ng poong maykapal na abot kamay lamang? May panahon noong sasalok ka lang daw sa batis ng kabuhayan at mga likas na pangsuporta sa buhay na nasa paligid lamang. Nasaan na ba ito ngayon?
Ang mga balon natin ng yaman at ikabubuhay kung kailan hitik ang buong kapulohan noon, ngayon ay nangawala na. Pero wala pa ring pangarap ng magandang buhay para sa lahat ng mga kababayan natin ang mga nangatupad. Walang nakakamit kundi patuloy na kabiguan sa inaasam na ginhawa.
Mangyaring sa ikot ng tagay ng tuba, nagkabalitaktakan kaming malaon nang magdadabarkads. Sa munting salo-salo sa pulutang kinilaw na dilis na pinatalonan ng gata ng niyog, pinigaan ng kalamansi, at tinirisan ng sili, nagkasundo-sundo kaming di-magkasundo. Gumulong ang malusog na debate. (sundan ang kuwento sa susunod na serye)
No comments:
Post a Comment