The Napoles Gang hits the august chamber. |
Nagdudumilat na ang mga ebidensya, deny to death pa rin at saksakan ng drama ang may sala. Kung makapagtalumpati ang mga naaakusahang mandarambong na nasa itaas at makapangyarihan, animo'y api. Preskon dito preskon doon, pana-panahong painterbyu sa media na iisa ang sinasabi, "Pulitika lang ito!" Totoo nga mga kagalang-galang, pinupulitika niyo lang ang isang napakabigat na pagkakasala sa sambayanang Pilipino.
Ni hindi man lang kayo makapagbigay ng matinong sagot ika nga direct to the point. Puro pakyut, paawa epek, na para bang: "Ah ang masa, mga fan lang namin yan, sunod-sunuran at paniwala lang ang mga yan kung ano'ng aming sasabihin." Ang pang-iinsultong ito ay bulag o nagbubulag-bulagan sa karumaldumal na krimeng ginawa laban sa masang pinagkakautangan (inaamin din naman nila) ng tagumpay kung nasaan man sila ngayon. Ninakawan na ng katakot-takot na halagagang sana'y ikabubuhay ng maayos ng kanilang mga pamilya, pinapatungan pa sa ulo ng mga kasinungalingan, at ginagawang tanga. Yan ang kasamahang palad ng mamamayang nagluklok sa kanila sa rurok ng kaluwalhatian.
At pati ang Diyos sa itaas idinadamay. Aba, ayon sa nakasulat sa T-shirt ng isang akusado, "God is on my side." Ang panginoon ay nasa panig ng inaakusahang magnanakaw? Papano yong ninakawan? Hanep, di manlang seguro nanginig! Palibhasa, tagos sa buto ang pagiging pulitiko at pagkakagaling sa showbiz, dinadaan nalang ang pagkakasala sa samabayanang Pilipino sa mga palabas at padrama para makalimutan. At may hypnotic sound effect pa.
Pero ganoo't ganun man, nasa kulungan na yong orihinal na kompositor ng musical scoring sa drama sa senado, patunay nga seguro na hindi pumapanig si Lord sa pandarambong at panloloko sa kanyang mga minahal na anak. Kaya lang Lord, napakaliwanag pa rin ng di pagkaparehas ng hustisya sa bansa. Para sa mga mayayaman at matataas na pagkatao, tunay na may espesyal na trato kumpara sa nakararami.
May isang tatay na hindi matiis na wala manlang sumayad na pagkain sa tiyan ng kaniyang mga nagugutom na miyembro ng pamilya, sa kaarawan pa man din ng isang anak. Siya'y nagnakaw ng isang bandol ng instant noodles sa palengke. Huli kaw, dampot agad ng mga masugid na alagad ng batas, pantsak sa kulungan, wala nang imbe-imbestiga. Sa mahigit na dalawang taon, at sa awa ng diyos na kapanig daw ni Senador, nandoon pa rin yong mamang hinugot at biglang nawala sa kanyang pamilya. Walang maipyansa, walang abogadong gustong mag-aksaya ng panahon para tapunan ng kahit katiting na pansin man lang ang kaso.
Pero ang mga damuho na nangulimbat ng daan-daang milyon sa kabang-yaman ng mamamayan, kailangan muna ng napakahabang panahong pag-iimbestiga, paglilikom ng trak-trak na ebidensya, at pinakamasusing pag-aaral, animo'y gumagawa ng doctoral thesis sa isang kurso. Sa wakas, naisampa na ang kaso, kailangan pa uli ng halos isang taong pagrerepaso. Sa wakas uli, naiangat na sa korte, hindi pa rin basta-basta magagawan ng aresto, kasi rerepasuhin pa muli kung totoo ngang may "probable cause." Samantala, sangkaterbang mosyon naman sa korte hanggang sa pinkamataas na hudikatura ang iwinawasiwas ng mga abogado ng mga akusado mapigilan lang ang ultimong kahihinantnan, pagkakulong ng walang pyansa. Naks!
Maghambing kayo. Ano ang pagkakaiba ng isang bandol ng instant noodles at sampung bilyong pisong ninakaw sa mamamayan? Ang una ay di dapat pamarisan. Pero ang huli ay pinagkakaubosan pa ng pera sa pangangandidato mula sa pagkakapitan ng isang barangay hanggang sa pagkasenador ng buong kapulohan magaya lamang. Ika nga: Ten billion is ten billion! Sabi pa ni Jinggoy, "Everybody is corrupt." Pero iilan lang ang mangangarap maging isang small-time magnanakaw ng noodles sa palengke.
Pero kung kabigatan na rin lang ng krimen ang pinag-uusapan, maliwanag naman yata sa sikat ng araw. Ang isang bandol ng noodles ay wala pa segurong P200, sisiw sa mata ng madla. At ninakaw ito sa isang pribadong negosyante, isang maliit na pagkakasala laban sa isang mamamayan dahil sa sobrang kagipitan. Ang P10 bilyon ay lahat-lahat. Ito'y makabubuhay ng libo-libong katulad ng pobreng nakulong. At ito'y ninakaw sa 90 milyong Piilipino. Dahil sa pagnanakaw nito, ang ilan ay natulak na rin na magnakaw sa kadahilanang sila'y winalan ng pagkain sa kanilang hapag ng mga hinayupak na kurakot sa gobyerno.
Di ba maisip ng mga tiwaling pulitiko at opisyal, sampo ng kanilang mga sibilyang kasabwat sa pangraraket, na ang pangungulimbat ng halimbawa P10 bilyon o higit pa sa kabang yaman ng mamamayan ay katumbas na rin ng tinatawag na crime against humanity? Pero gayun pa man, di hamak na ang layo sa buhay ng karaniwang mamamayan ng buhay na nag-aantay sa mga mandarambong sa bayan, loob at labas ng kulongan.
At heto ang panghimagas sa unang hain pa lang ng putahe ng hustisya. Habang isinasagawa ang paikot-ikot na daan ng pagbibigay katarungan sa bayan, nandoon ang pagsasabay rito ng mga privilege speech ng mga naakusahan, pagsasalita sa media, at kuno'y mga pasabog ng isyu, na iisa ang layunin: ilihis ang diskusyon sa totoong isyu ng kanilang krimen. Magtiis na lang sa walang solusyong pagkakapiit sa bilangguan kayong mga wala ng kung ano-anong mayroon ang mga akusadong ito. Maski isang di binayarang siopao lang ang nasiba ninyo sa tindi ng gutom.
Sa bandang dulo, kagaya ng pagkahaba-habang prosesyon ng Nazareno na sa simbahan pa rin ng Quiapo ang tuloy, kung matuwid ang hustisya sa likod ng mga harang nito, nanduo't nag-aantay ang kulongan. Pero ibahin nyo silang mga nasa itaas at kilala. Tingnan mo nalang ang magagarang kuwarto na inihanda ng gobyerno sa custodial center ng Crame. Di hamak na hinde naman kayang upahan ang mga silid na kagaya nito ng isang karaniwang sahurang manggagawa sa ating bansa.
Isang natatanging lugar pa rin ang naghihintay sa kanilang mga nasanay sa naglalakihang mansyon at maluluhong pamumuhay, na tinustosan ng pera ng taumbayan. Ikumpara mo sa mga nagsisiksikang boarders ni Big Brother sa Kampo Karingal at Manila City Jail, change them. Ibig sabihin: IBAHIN MO SILA!
No comments:
Post a Comment