Monday, January 22, 2018

ITAGUYOD ANG KABUHAYANG PAGNENEGOSYO

Pahayag ng Adhikaing Panglipunan

ng Institute for Local Innovation and Approach in Development (ILIAD)

Ang kahirapan ay napakatagal nang kalagayan ng nakararaming mamamayan. Ito ay salin-salin-lahi nang dinaranas ng mga Pilipino. 
Nilinaw ng isang ulat ng World Bank na ang kahirapan ay ang pagkakait sa isang indibidwal o pamilya ng ginhawa sa buhay. Ito ay nangyayari dahil ang kita nito ay di nakakatugon kahit sa pinakaminos nang mga pangangailangan. Ito ang kinasasadlakan ng malawak na masang Pilipino ngayon.
Ang kagyat na sanhi ng kahirapan ay napakababang kita o kawalan ng kita. Ito’y isinasaad ng pangkalahatang sakit ng di-kamaunlad o nababansot na pag-unlad ng bansa. 
Ang isang palantandaan ng di-kamaunlad ay ang kakulangan sa mga batayang industriya, kagaya ng bakal, enerhiya, komunikasyon at transportsyon. Bunsod nito, dinaranas ng bansa ang permanenteng krisis ng disempleyo sa patuloy na paglobo ng mga reserbang lakas paggawa na di makapasok sa industriya dahil sa kawalan nito. Sila ay nakalutang sa dagat ng karalitaan.
Matingkad na ebidensya ng malaganap na disempleyo ang milyon-milyong mamamayang naghahanap ng trabaho pero walang mapasukan. Ang mahigit sampung milyong mga manggagawang nagtratrabaho sa labas ay marka din ng malaganap na disempleyo sa bansa.  
Isinasabatas ng gobyerno ang mababang antas ng sahod sa paggawa sa pangkalahatan. Pero bukod sa batas na bakal ukol sa menos-sahod, pinapanatiling mababa ang sahod ng mga walang trabaho, dahil sa mahigpit na kompetisyon sa paggawa. 
Sa kabilang dako naman, dahil sa kaliitan ng industriya, nakatuon lang halos sa kalakalan o bentahan ang pang-ekonomyang pagkilos ng bansa. Kaya mababa ang kantidad ng kabuohang produktong nagagawa nito. Sa ganitong kalagayan, malayong makamit ang kasaganaang magdudulot sana ng ginhawa sa bawat pamilya.
Nilalarawan ng kahirapan ang di-pagkakapantay-pantay ng mga estado ng buhay pangtao sa lipunan, dala ng mapaniil na sistema sa produksyon at kalakaran ng pamilihan. Tampok sa ganitong pangyayari ang pagsasamantala sa nakararami ng iilang nag-aari at kumukontrola sa malalaking negosyo, institusyong pangpinansya, at lupain. 
Mga halimbawa ng nasabing pagsasamantala ang mataas na presyo ng bilihin, malaking buwis na pinapasan ng mga maliliit na konsumedor, usura o mapanakal na pautang, at di-makabuhay na sahod.
Sa ilalim ng nangingibabaw na reyalidad, may pag-asa ba ang mga naghihirap na makatunghay ng magandang buhay? 
Kung pagbabasehan ang mga inihahaing solusyon ng gobyerno na pawang pakitang-tao, malabo. Maliwanag sa mga ito ang kamay ng mga mayayamang humahawak ng kapangyarihang pang-ekonomya at pampulitika na tinaguriang mga naghaharing uri. 
Kaya sa pamamahala sa yaman ng bansa, nangingibaw ang kanilang mga taliwas na interes, tulad ng pagpapanatiling mababa sa sahod at pagtutuon ng malaking gastosin sa gobyerno sa mga proyektong pang-imprastruktura, kay sa pagtatatag ng mga kabuhayan ng mamamayan na kung totuosin ay maliit ang kinakailangan.
Ang kadalasang hakbang para aksyonan ang kahirapan ng palit-palitang administrasyon ay ang pagsusulong ng inisyatibang job generation o paglikha ng trabaho. Pero problemado pa rin ang naturingang solusyon sa dalawang punto.
Una, hindi basta’t nagtatayo ng pabrika o negosyo ang mga mayayamang may kapital para lang magkaroon ng trabaho ang mahihirap. Isinasaad ito ng mga puwersa at batas pangpamilihan kung saan ang bottom line (buod na konsiderasyon) ay kita o ganansya ng mamumuhunan. 
Magbalik tanaw tayo sa isang alituntunin ng kapitalismo: kung ikaw ay anakpawis mabubuhay ka lang kapag ika’y magtratrabaho, pero makakapagtrabaho ka lang kapag ito’y makapagbibigay ng tubo sa kukuha ng iyong lakas paggawa. 
Ang pinag-uusapan ng mga kapitalista sa pagtatayo ng isang kumpaniya na makapagbibigay ng mga trabaho ay hindi tubong-bangketa lang, kungdi limpak-limpak na ganansya. Kaya kung ang iniisip ay ang pagsulpot ng trabaho sa karamihan ng mga lugar sa bansa, ito ay pangangarap ng gising. 
Pangalawang punto, oo nga’t masuwerte ang iba dahil nagkaroon din ng trabaho. Pero hindi ba’t ito’y nakapailalim pa rin sa rehimeng pagsasamantala kung saan ang maliit na kinikita ayon sa batas na bakal ng pasahod ay di magkasya sa pagtugon kahit sa pinakamenos nang mga pangangailangan para mabuhay ang isang pamilya? 
Kung sumasahod ka rin lang sa guhit o mababa pa sa guhit ng kahirapan, hindi mo naiahon ang yong sarili at ang yong pamilya mula sa hikahos na pamumuhay sa pagkakaroon ng trabaho. 
Dahil gipit maging sa pagkain, dagdag na dusa sa mga mahihirap ang nakamamatay araw-araw na pagbabanat ng buto na walang pantay na enerhiyang kapalit sa enerhiyang nagagasta sa paggawa.
Kaya kahit paulit-ulit na sinasabi ang pamantayang inclusive growth o pagsasama sa mga maliliit sa biyaya ng kaunlaran, ang kahirapan ay patagal lang ng patagal.
Tulong-Sariling Pagkukusa Bilang Solusyon
Sa kabila ng lahat, di nabubura ang katotohanang ang masa pa rin ang tagapaglikha ng kasaysayan. Kailangan tuparin nila ang katangiang ito sa paglikha ng isang kasaysayang nagsasaad ng kanilang paglaya sa dusa. Kailangang sila na ang magpasya at gumawa ng solusyon. 
Sa kamay din naman ng mamamayan nakasalalay ang kalutasan ng problema. Ito’y ang paggamit ng kanilang makapangyarihang lakas-paggawa sa tulong-sariling pagkukusa.
Ano ang solusyong ito? Mula sa basic labor (batayang paggagawa) tumutungo sila sa karugtong na paggawa ng pagtatag sa sariling ikabubuhay. Mula sa laging paghahanap at pag-aantay ng trabahong kitang-sahod, pumupunta sila sa pagtatatag ng kabuhayan kung saan sila na mismo ang nag-iempleyo sa sarili at kumikita ng sarili. 
Ang tawag sa itaas ay entrepreneurship o pagnenegosyo, at bilang paag-aangkop sa estado panglipunan at pang-ekonomya ng kalakhang masang Pilipino: KABUHAYANG PAGNENEGOSYO.
Sa Kabuhayang Pagnenegosyo, ang inisyatiba sa paglutas ng problema ng kahirapan ay nasa mga mahihirap na. Kaysa maghintay sa trabaho na nakadepende sa pagpapasya ng mga mayayamang negosyante kung mayroon o wala, sila ang nagpapasya at kumikilos para mamuhunan sa sariling ikabubuhay. Sila ang nagnenegosyo. 
Ang pagbabago mula sa paghahanap ng trabaho tungo sa pagnenegosyo ay ayon na rin sa konsepto ng tulong-sariling pagkukusa kung saan ang manggagawa, imbes na mag-antay na makapagtrabaho sa iba, ay nagsasarili sa paggawa ng produkto at pagdadala nito sa pamilihan. Siya ay nagtatayo, nangangasiwa at nag-aari ng kaniyang empresa. 
Malaki ang binabago ng tunguhing ito sa kondisyon at kalagayang pang-ekonomiya ng lipunan. Una, ang mga lumilikha ng yaman sa pamamagitan ng paggawa ang siya na ring nakakahawak ng nilikhang yaman. Dahil wala na sila sa sistemang sahod-paggawa sa ilalim ng mga may-aring nagbabayad sa kanilang sahod, nagpapatakbo, at kumukontrol sa negosyong pinagtratrabahuan, ang produktong nililikha ng mga manggagawa at ang yamang bumubukal rito ay hindi na nalilipat sa kamay ng mga kapitalista. 
Pangalawa, nang hindi nagpapaputok ng isang baril sa rebolusyon, nakakalaya sila sa rehimeng pangproduksyon na batbat ng pagsasamantala. Naililigtas nila ang sarili sa mapaniil na sistemang sahod-kita, o paggawa kapalit ng sahod, dahil sa di na pagpasok rito. Ang nasabing sistema mismo ang pinag-uugatan ng kahirapan ng masa. 
Pangatlo, ang yamang kanilang nalilikha sa paggawa ay hindi na rin nagagamit laban sa kanila sa karagdagan at mas matindi pang pagsasamantala ng ng mga umaangin at nagkakamal nito. Dahil ito’y nasa kanila nang mga kamay, ito ay nagagamit sa pagpapalago at pagpapalakas ng kabuhayan, pagpapalaki ng lokal na ekonomya, at pagsusulong ng ibayong kaunlaran.
Bilang tagapaglikha ng  kasaysayan, ang masa na rin ang makapagpapalaya sa kanila  sa kahirapan. Sa matagumpay na pagsusulong ng Kabuhayang Pagnenegosyo madadala nila ang kasaysayan ng kalutasang ito sa tatlong baitang na layunin:
  • Matatag na kabuhayan at ginhawa para sa pamilya
  • Pagtubo at pagsagana ng ekonomyang lokal, o ekonomyang nakabase sa komunidad
  • Lubos-lubusan at naipagpapatuloy na kaunlaran para sa lahat

Kabuhayang Negosyo ang sagot sa kahirapan, at susi sa maunlad na pamumuhay. Itaguyod ito!
Institute for Local Innovation and Approach in Development, People’s Partner 
Kaagapay sa Hanapbuhay Kasangga sa Kaunlaran

No comments:

Post a Comment

Uncertainty Hounds As Eastern Visayas Breaks Away From The Past

  BIMBO CABIDOG The people of Eastern Visayas inhabit a land rich in natural resources. The region has a vast land area. Samar alone is the ...